Tinuligsa ng Malacañang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na “aksaya ng oras” ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at iginiit na ang taunang ulat ng Pangulo ay isang tungkuling nakapaloob sa Konstitusyon.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, ang SONA ang opisyal na pagkakataon ng Pangulo upang iulat sa publiko ang mga nagawa ng administrasyon at ilahad ang mga programang nakatakdang ipatupad para sa kapakanan ng mamamayan.
Binigyang-diin ni Castro na ang kawalan ng paggalang sa SONA ay maaari ring mangahulugan ng kawalan ng pagpapahalaga sa Konstitusyon at sa mga institusyon ng pamahalaan.
Hinimok din ng opisyal ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyon hinggil sa mga programa at polisiya ng gobyerno. Aniya, mas madaling malinlang ang mga taong walang sapat na kaalaman sa kabuuang konteksto ng mga isyung pambansa.
Nanawagan si Castro sa mga mamamayan na beripikahin ang mga impormasyon at hanapin ang katotohanan bago maniwala sa mga pahayag na maaaring magdulot ng maling pag-unawa sa mga usaping may kinalaman sa bansa.













