-- ADVERTISEMENT --

Tinatayang aabot sa isang oras at dalawampung minuto ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Hulyo 27, 2026, batay sa kasalukuyang oras ng kanyang mga isinagawang ensayo bago ang mismong talumpati.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ito ang naging target na haba ng mensahe ng Pangulo sa kanyang mga huling paghahanda. Gayunman, sinabi ng Malacañang na maaari pa itong magbago depende sa aktuwal na pacing ng pagbasa ng Pangulo at sa magiging tugon ng mga dumalo sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

Nakatakdang magsimula ang SONA ngayong alas-4:00 ng hapon, kung saan ilalahad ni Marcos ang estado ng bansa at ang direksyon ng kanyang administrasyon para sa natitirang bahagi ng kanyang termino.

Ibang estilo naman ang inaasahan sa seremonya ngayong taon matapos ipatupad ng Pangulo ang mas payak ngunit marangal na konsepto para sa okasyon. Walang nakaplanong engrandeng fashion showcase o pagtatanghal mula sa mga kilalang personalidad bilang bahagi ng programa.

Sa halip, ang PCSO Chorale, na nagkamit ng Grand Prix sa 2026 Korea International Choir Competition, ang mangunguna sa pag-awit ng pambansang awit.

Sentro ng ulat ng Pangulo ang mga pangunahing nagawa ng administrasyon, mga hakbang laban sa katiwalian, mga programa para sa paglago ng ekonomiya, at mga panukalang batas na nais niyang maisulong bago matapos ang kanyang termino.

Sa kanyang ikalimang SONA, inaasahang tututukan ni Marcos ang pagbibigay-diin sa mga resulta ng kanyang pamamahala at sa mga susunod pang hakbang ng gobyerno sa huling dalawang taon ng kanyang panunungkulan.