Inaresto ang isang empleyado ng Cauayan Airport sa Isabela matapos umano itong magbiro na may bomba sa kanyang sasakyan habang papasok sa paliparan noong Hulyo 24.
Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), sinabi umano ng empleyado na may bomba sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan, dahilan upang agad na ipatupad ng mga awtoridad ang standard aviation security protocols para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at airport personnel.
Kaagad na nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng PNP-AVSEGROUP, katuwang ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) at K9 units ng Philippine National Police, sa naturang sasakyan.
Matapos ang masusing pagsusuri, wala namang natagpuang anumang pampasabog.
Sa kabila nito, inaresto pa rin ang empleyado dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, na nagbabawal sa paggawa ng mga bomb joke na maaaring magdulot ng takot, panic, at panganib sa publiko.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang kaso laban sa suspek.













