-- ADVERTISEMENT --

Hiniling ni Vice President Sara Duterte sa Senado na sagutin nito ang gastusin para sa pagkain, inumin, at catering services ng kanyang defense team, support staff, at mga testigong dadalo sa kanyang impeachment trial.

Sa liham na ipinadala kay Senate President Sherwin Gatchalian noong Hulyo 7, 2026, inilatag ni Duterte ang mga nais niyang maging arrangement habang isinasagawa ang buong paglilitis.

Kabilang sa kanyang kahilingan ang pagkakaroon ng pagkain at inumin na ihahain lamang sa itinakdang holding room at manggagaling sa accredited caterer ng Office of the Vice President (OVP). Ayon kay Duterte, makatutulong ang naturang setup upang matugunan ang mga usaping pangseguridad at mapanatili ang kaligtasan ng kanyang mga kasama at testigo.

Bukod dito, hiniling din ng Bise Presidente na akuin ng Senado ang lahat ng kaugnay na gastusin para sa pangangailangan ng kanyang kampo habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings.

Umaasa si Duterte na pagbibigyan ng Senado ang kanyang mga kahilingan at maisasagawa ang mga ito sa buong tagal ng paglilitis.