Nananawagan sina Senador JV Ejercito at Senador Risa Hontiveros na agarang maipasa ang Senate Bill No. 2 o Masterplan on Infrastructure and National Development (MIND) Act, na naglalayong maglatag ng isang pangmatagalang plano para sa mga infrastructure project sa bansa.
Ayon kay Ejercito, makatutulong ang panukala upang maging mas organisado at transparent ang pagpili at pagpapatupad ng mga proyekto, kasabay ng pagpapabilis ng pag-unlad sa mga rehiyon at paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho. Binigyang-diin din niya na sa ilalim ng MIND Act, magpapatuloy ang mahahalagang proyekto kahit magkaroon ng pagbabago sa administrasyon.
Kasama rin sa mga layunin ng panukala ang pagpigil sa mga huling minutong budget insertions sa bicameral conference committee at pagbibigay ng mas malaking partisipasyon sa mga lokal na pamahalaan at regional development councils sa pagtukoy ng mga proyektong higit na kailangan sa kanilang mga komunidad.
Para naman kay Hontiveros, mahalagang magkaroon ng isang komprehensibong infrastructure masterplan upang maiwasan ang mga proyektong hindi kinakailangan, sobrang magastos, o kinukuwestiyon ng publiko. Aniya, ang malinaw na pagpaplano ay makatutulong upang masiguro na ang pondo ng pamahalaan ay mapupunta sa mga proyektong tunay na makikinabang ang mamamayan.
Sa oras na maisabatas, magtatakda ang MIND Act ng isang pangmatagalang infrastructure roadmap na magsisilbing batayan sa pagpaplano, pagpapatupad, at pagsusuri ng mga pangunahing proyekto sa buong bansa.













