-- ADVERTISEMENT --

Mas magiging bukas na sa publiko ang mga dokumentong may kaugnayan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos ilunsad ng Senado ang isang online portal na naglalaman ng mga opisyal na rekord ng paglilitis.

Kinumpirma ni Senate President Sherwin Gatchalian na maaari nang ma-access sa website ng Senado ang lahat ng mahahalagang dokumento sa ilalim ng bagong impeachment tab.

Nahahati ang portal sa apat na seksyon—prosecution, defense, court issuances, at journal—kung saan makikita ang mga pleadings, manifestations, opisyal na kautusan, at iba pang rekord na in-upload ng Senate Secretariat na nagsisilbing impeachment clerk of court.

Ayon kay Gatchalian, layunin ng hakbang na tiyaking malinaw at bukas sa publiko ang lahat ng dokumento at ebidensiyang isinumite sa buong proseso ng impeachment trial.

Hinimok din niya ang mga mamamayan na personal na suriin ang mga rekord upang magkaroon ng sapat na impormasyon tungkol sa kaso at sa naging takbo ng paglilitis.

Bagama’t ang mga senador ang nagsisilbing senator-judges sa impeachment proceedings, kinilala ng liderato ng Senado na ang mamamayang Pilipino pa rin ang magsisilbing tunay na hukom sa pagtingin sa kabuuang proseso at pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.