Muling ipinaliwanag ni Senator Robin Padilla ang kahulugan ng tinatawag niyang “University of Prison,” kasunod ng naging usap-usapan sa social media matapos niya itong mabanggit sa gitna ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag na ibinahagi online, sinabi ng senador na hindi niya ikinahihiya ang halos tatlong taong pananatili sa kulungan. Sa halip, itinuturing niya itong yugto ng buhay na humubog sa kanyang pagkatao at nagturo ng mahahalagang aral.
Ayon kay Padilla, ang bilangguan ang nagsilbing “unibersidad ng buhay,” kung saan natutunan niya ang disiplina, pagpapakumbaba, at iba pang leksiyong aniya’y hindi lamang natatagpuan sa loob ng tradisyunal na paaralan.
“Ipinagmamalaki ko po talaga ang 3 taon ko sa University of Prison. Dito sa lugar na ito ang tunay na unibersidad ng buhay… Madali lang ang pumasok dito. Ang mahirap ay ang makalabas at mag-graduate with honors o with death,” ani Padilla.
Nauna nang naging viral ang pahayag ng senador sa Senado nang sabihin niyang nagtapos siya sa “UP,” na kalaunan ay nilinaw niyang tumutukoy sa “University of Prison” at hindi sa University of the Philippines.
Matatandaang nakulong si Padilla noong dekada 1990 dahil sa kasong illegal possession of firearms. Kalaunan ay napawalang-sala siya at nakalaya matapos ang halos tatlong taong pagkakapiit.
Samantala, nagkaroon ng magkakaibang reaksiyon ang publiko sa kanyang pahayag. May mga sumang-ayon sa kanyang pananaw na may mahahalagang aral na maaaring makuha mula sa mahihirap na karanasan, habang may iba namang kumuwestiyon sa paggamit niya ng katawagang “University of Prison” bilang paglalarawan sa kanyang naging pagkakakulong.













