-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na kumikilos pahilagang-kanluran ang Bagyong Inday habang nananatili sa Philippine Sea at inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado, ayon sa PAGASA.

Sa pinakahuling tala, namataan ang sentro ng bagyo 620 kilometro silangan ng Basco, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging 150 kph malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 185 kph, habang kumikilos sa bilis na 20 kph.

Nananatiling nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 ang Batanes, silangang bahagi ng Babuyan Islands, at Santa Ana, Cagayan. Samantala, TCWS No. 1 naman ang umiiral sa natitirang bahagi ng Cagayan at Babuyan Islands, gayundin sa Isabela, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, at ilang lugar sa Abra, Mountain Province, at Ifugao.

Bagama’t hindi direktang tatama sa kalupaan ng Pilipinas ang Inday, pinalalakas nito ang southwest monsoon o Habagat na magdadala ng malalakas hanggang matitinding pag-ulan sa Occidental Mindoro at Antique. Inaasahan ding makararanas ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan ang ilang bahagi ng Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Metro Manila, at ilang lugar sa Mindanao.

Batay sa forecast ng PAGASA, posibleng mag-landfall ang Bagyong Inday sa mainland China pagsapit ng Sabado ng gabi o madaling araw ng Linggo.