-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng Bagumbayan PNP ang suspek na si alyas “Rick” matapos itong maaresto sa isang simultaneous police operation sa Purok 2, Barangay Daguma, Bagumbayan, Sultan Kudarat.Ikinasa ang pagsalakay ng pinagsanib na puwersa ng SKPIU, PDEU, SKPFU12, Bagumbayan MPS, at 2nd SKPMFC gamit ang Search Warrant na ibinaba ng RTC Branch 19 ng 12th Judicial Region.

Nakumpiska ng mga operatiba sa loob ng bahay ng suspek ang isang piraso ng granada at apat na malalaking sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Paulino B. Asirit Jr., pinuno ng SKPIU, matagal nang minamanmanan ng kanyang mga tauhan ang iligal na aktibidad ng suspek bago tuluyang ikinasa ang operasyon.

Binigyang-diin ni PLt. Col. Asirit Jr. na layunin ng kapulisan na pangalagaan ang katahimikan at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa rehiyon.Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa patung-patong na kasong paglabag sa Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives at Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.