-- ADVERTISEMENT --

Maaaring makatikim ng malaking ginhawa ang mga motorista sa susunod na linggo dahil sa inaasahang rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, ayon sa paunang pagtataya ng Department of Energy (DOE).

Batay sa monitoring ng ahensya, posibleng bumaba ng P4 hanggang P5 kada litro ang gasolina, habang maaari namang maglaro sa P8 hanggang P10 kada litro ang bawas sa diesel. Mas malaki naman ang inaasahang pagbaba sa kerosene na maaaring umabot sa P9 hanggang P11 kada litro.

Ayon sa DOE, ang pagbaba ng presyo ay kaugnay ng pagluwag ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nagdulot ng pagbaba sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Gayunman, binigyang-diin ng ahensya na nananatiling hindi tiyak ang tuloy-tuloy na pagbaba ng presyo dahil nakadepende pa rin ito sa magiging takbo ng kasunduan sa tigil-putukan sa pagitan ng dalawang bansa.

Dagdag pang nagpapalabo sa sitwasyon ang anunsyo ng Switzerland na ipinagpaliban ang nakatakdang pag-uusap ng Estados Unidos at Iran, na inaasahang magbibigay-daan sana sa mas malawak na kasunduan para sa katatagan ng rehiyon.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na bagong petsa para sa pagpapatuloy ng negosasyon, dahilan upang manatiling maingat ang mga eksperto sa pagtantya sa galaw ng presyo ng langis sa mga susunod na linggo.