-- ADVERTISEMENT --

Nilinaw ng Ateneo rookie na si Kieffer Alas na walang kinalaman sa hazing o anumang uri ng initiation rites ang team-building activity na nauwi sa pagkasawi ng dalawang manlalaro ng Ateneo Blue Eagles sa Aurora.

Sa panayam kasama ang kapwa niya manlalaro na si Sam Reyes, mariing itinanggi ni Alas ang mga kumakalat na espekulasyon at iginiit na hindi nila kailanman naramdaman na may intensyong manakit ang kanilang mga beteranong kasamahan o coaching staff.

Ayon sa dalawang nakaligtas, bahagi lamang ng paghahanda ng koponan para sa nalalapit na UAAP Season 88 ang isinagawang team-building activity sa isang resort sa Aurora. Layunin umano nito na palakasin ang samahan, disiplina, at mental resilience ng mga atleta.

Gayunman, nauwi sa trahedya ang aktibidad matapos masawi sina Divine Adili at Rene Clert Baterbonia sa insidenteng may kaugnayan sa malalakas na alon sa dagat.

Ikinuwento nina Alas at Reyes na kabilang sila sa mga inanod nang malayo sa pampang nang sunod-sunod na malalaking alon ang tumama sa kanilang grupo, dahilan upang magkahiwa-hiwalay ang mga manlalaro habang nasa tubig.

Binigyang-diin din nila na bago ang aktibidad ay nagsagawa ang mga coach ng safety orientation kung saan ipinaliwanag ang panganib ng rip currents, mga paraan upang makaligtas sakaling matangay ng alon, at ang pabago-bagong kondisyon ng seabed sa lugar. Inabisuhan din umano ang mga manlalaro na maghanda para sa mabibigat na pisikal na pagsasanay sa buhangin at dagat.

Kasunod ng trahedya, nagpasya ang Ateneo Blue Eagles na umatras sa kasalukuyang FilOil EcoOil Preseason Cup.

Samantala, tinanggap na rin ng pamunuan ng Ateneo de Manila University ang pagbibitiw ni Tab Baldwin bilang head coach at ni Epok Quimpo bilang team manager habang nagpapatuloy ang pagdadalamhati at pagsusuri sa naganap na insidente.