-- ADVERTISEMENT --

Hinikayat ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes ang mga pamilya ng dalawang nasawing Ateneo basketball players na pag-isipan ang pagsasampa ng kasong sibil laban sa mga posibleng may pananagutan sa trahedya.

Ang mga biktima ay sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili, na kapwa student-athletes ng Ateneo de Manila University. Ayon sa ulat, nasawi sila noong Hunyo 8 matapos tangayin ng malalakas na alon habang nasa team-building activity ng Ateneo Blue Eagles sa isang pribadong beach resort sa Dipaculao, Aurora.

Giit ni Ordanes, maaaring magsampa ng civil case ang mga pamilya laban sa pamunuan ng unibersidad, coach na si Tab Baldwin, at iba pang maaaring mapatunayang may pananagutan, lalo na kung may naging kakulangan sa safety measures.

Lumabas sa mga paunang ulat na maaaring walang life vest ang mga atleta at kulang umano ang safety infrastructure ng resort, kabilang ang watchtower at warning signs. Dahil dito, pansamantalang ipinasara ng lokal na pamahalaan ang lugar habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Samantala, hiwalay na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy kung may kapabayaan at kung sinu-sino ang maaaring managot, habang nire-review rin ang mga patakaran sa safety ng student-athletes sa mga team activities at training events.