Muling nakaranas ng pagyanig ang bayan ng Glan matapos tumama ang magnitude 5.5 na lindol alas-11:30 ng gabi noong Hunyo 15, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Natukoy ang sentro ng pagyanig sa karagatang nasa 18 kilometro timog-silangan ng Glan, na may lalim na 44 kilometro. Bagama’t unang iniulat na magnitude 5.8, kalaunan ay inayos ito ng PHIVOLCS sa magnitude 5.5.
Ayon sa ahensya, tectonic ang pinagmulan ng lindol at bahagi ito ng sunod-sunod na aftershocks ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa karagatan ng Sarangani noong Hunyo 8.
Pinakamalakas na naramdaman ang lindol sa Intensity V sa Sarangani, General Santos City, at ilang bahagi ng Davao Occidental.
Naitala naman ang Intensity IV sa mga bayan ng Don Marcelino, Jose Abad Santos, Alabel, Malapatan, Malungon, T’Boli, Tupi, Isulan, at Palimbang.
Sa pinakahuling pagtataya ng PHIVOLCS, wala namang naitalang malaking pinsala mula sa pagyanig, ngunit patuloy na pinapayuhan ang publiko na maging alerto dahil inaasahan pa ang mga susunod na aftershocks kaugnay ng mas malakas na lindol na tumama sa rehiyon noong nakaraang linggo.













