-- ADVERTISEMENT --

Sa paggunita ng Araw ng Kalayaan, nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Pilipino na patuloy na mahalin, piliin, at ipaglaban ang bansa, na aniya’y ipinaglaban ng mga bayani sa pamamagitan ng kanilang dugo at sakripisyo.

Sa kaniyang mensahe, hinikayat ng Pangulo ang publiko na palalimin ang kamalayan sa mga isyung panlipunan, maging mapanuri sa katotohanan, at gamitin ang kakayahan ng bawat isa para sa kabutihan sa halip na sa maling layunin. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng patas na pag-uugali sa araw-araw at ang paglalagay ng kapakanan ng bayan higit sa pansariling interes.

Ayon kay Marcos, mahalaga ang pananatiling tapat sa ganitong mga prinsipyo upang masigurong ang susunod na henerasyon ay magmamana ng isang bansang mas matatag, makatarungan, at maunlad sa ilalim ng iisang adhikain para sa “Bagong Pilipinas.”

Sa kaniyang talumpati, binigyang pansin din ng Pangulo ang mga hamon na kinakaharap ng bansa gaya ng katiwalian, pagkakanya-kanya, kahirapan, at mga pandaigdigang banta tulad ng climate change. Gayunman, ipinahayag niya ang kumpiyansa sa kakayahan ng mga Pilipino na magpamalas ng katatagan, malasakit, at pagkakaisa, lalo na sa panahon ng kalamidad.

“Sa maraming pagkakataon, naipakita natin ang ating kakayahan na manindigan para sa tama, na magmalasakit sa kapwa; na bumangon sa harap ng pagsubok,” bahagi ng mensahe ng Pangulo, na binigyang-diin ang diwa ng pagtutulungan at bayanihan ng mga Pilipino.