-- ADVERTISEMENT --

Posibleng maranasan ng mga motorista ang magkaibang galaw sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, kung saan inaasahang magkakaroon ng malaking dagdag-presyo sa diesel habang maaaring makatikim ng rollback ang gasolina.

Batay sa mga paunang pagtataya mula sa industriya ng langis, maaaring tumaas ang presyo ng diesel ng nasa P4.00 hanggang P4.50 kada litro. Kung magkatotoo, ito ang isa sa pinakamalalaking pagtaas ng diesel sa mga nakalipas na buwan.

Sa kabilang banda, may posibilidad namang bumaba ang presyo ng gasolina ng P1.00 hanggang P1.50 kada litro, na maaaring magbigay ng kaunting ginhawa sa mga pribadong motorista.

Ayon sa mga source sa industriya, ang inaasahang pagtaas ng diesel ay pangunahing inuugnay sa pangamba sa pandaigdigang suplay ng langis. Kabilang sa mga pinangangambahang dahilan ang tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan, kabilang ang mga ulat ng paghina ng usapang pangkapayapaan at mga banta na maaaring makaapekto sa operasyon ng Strait of Hormuz isa sa pinakamahalagang rutang dinadaanan ng suplay ng langis sa buong mundo.

Nababahala rin ang mga merkado sa posibilidad na patuloy na lumiit ang global oil inventories habang nananatiling mataas ang demand sa enerhiya, bagay na nagtutulak pataas sa presyo ng diesel at iba pang fuel products.

Gayunman, may mga indikasyon na maaaring humupa ang pagtaas depende sa magiging galaw ng pandaigdigang presyo ng langis sa huling trading day ng linggo. Kapag nagpatuloy ang pagbaba ng benchmark prices, posibleng mabawasan ang laki ng dagdag-presyo sa diesel at mas lumaki pa ang rollback sa gasolina.

Inaasahang ilalabas ng mga kumpanya ng langis ang kanilang opisyal na price adjustment announcements sa Lunes, habang karaniwang ipinatutupad ang mga pagbabago sa presyo pagsapit ng Martes.

Para sa mga sektor na umaasa sa diesel gaya ng pampublikong transportasyon, logistics, at agrikultura, mahigpit na binabantayan ang susunod na galaw ng presyo dahil sa direktang epekto nito sa gastos sa operasyon at presyo ng mga pangunahing bilihin.