-- ADVERTISEMENT --

Inihanda na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang isang detention facility sa New Quezon City Male Dormitory bilang bahagi ng kanilang paghahanda sakaling ipag-utos ng korte ang pag-aresto kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng kinahaharap nitong kasong plunder.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, nakahanda ang mga pasilidad at kinakailangang seguridad habang hinihintay ang magiging desisyon ng Fifth Division ng Sandiganbayan kaugnay sa posibleng paglalabas ng warrant of arrest laban sa senador.

Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y P573 milyong kickbacks mula sa iba’t ibang flood control projects, kung saan nahaharap si Estrada sa kasong plunder.

Samantala, kamakailan lamang ay naghain ang senador ng piyansang nagkakahalaga ng P90,000 para sa hiwalay na kasong graft na isinampa laban sa kanya at kay dating Department of Public Works and Highways secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan Second Division.

Gayunman, nilinaw ni Remulla na ang Sandiganbayan pa rin ang may huling kapangyarihan na magtakda kung saan ilalagak si Estrada sakaling maglabas ng warrant of arrest ang korte. Aniya, nakadepende pa rin ang lahat sa magiging utos at desisyon ng hudikatura.