Pinalalawak pa ng National Bureau of Investigation o NBI ang imbestigasyon kaugnay sa kontrobersyal na insidente sa Senado noong Mayo 13 matapos kumpirmahin na maglalabas ito ng subpoena laban kay Nancy dela Rosa, asawa ni Senador Ronald dela Rosa.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, inihahanda na ng ahensya ang subpoena dahil sa mga pahayag na umano’y ipinarating ni Nancy dela Rosa kay Senate President Alan Peter Cayetano kaugnay sa nasabing insidente.
Sinusuri rin ng NBI ang posibleng kaugnayan ng iba pang indibidwal kay Senador dela Rosa sa panahon ng imbestigasyon, kaya inaasahan na may karagdagang subpoena na ilalabas ang ahensya.
Samantala, pinag-aaralan pa ng NBI kung kinakailangan pang ipatawag si Senador Robin Padilla matapos itong naunang sampahan ng kasong obstruction of justice ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG.
Matatandaan na inamin na ni Padilla na isinakay niya si Senador dela Rosa palabas ng Senado sa madaling araw ng Mayo 14 bago ito ibaba sa Makati City.













