Nagpaabot ng katiyakan ang Department of Social Welfare and Development na tutulungan nito ang pamilya ng senior citizen na nasawi bago pa man matanggap ang ayuda para sa mga apektadong corn farmers sa Cagayan dahil sa matinding tagtuyot.
Kinilala ang nasawi na si Wilson Corpuz, residente ng Barangay Anquiray.
Ayon kay Lucia Allan, bagama’t hindi na maibibigay kay Corpuz ang P10,125 na ayuda sa ilalim ng Emergency Cash Transfer program, magsasagawa pa rin ng iba pang assistance ang ahensya para sa kanyang pamilya, kabilang ang tulong para sa pagpapalibing at iba pang pangangailangan.
Batay sa ulat, nawalan umano ng malay si Corpuz habang nasa labas ng payout site sa kapitolyo at papunta sana upang kumain. Agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Binigyang-diin ng insidente ang kahalagahan ng mabilis at maagap na distribusyon ng ayuda, lalo na para sa mga senior citizen at iba pang vulnerable sectors na higit na naaapektuhan ng matinding init at epekto ng kalamidad.













