Kinumpirma ng United Arab Emirates (UAE) na nagmula sa Iraq ang mga drone na umatake sa kanilang Barakah nuclear power plant noong nakaraang linggo, na nagdulot ng pangamba sa seguridad ng rehiyon sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Naganap ang insidente noong Linggo, Mayo 17, nang tumama ang isang drone sa isang electrical generator malapit sa planta sa Abu Dhabi. Nagdulot ito ng sunog, ngunit walang naiulat na nasugatan o pagkakaroon ng radiation contamination. Dalawa pang drone ang na-intercept ng mga awtoridad bago makapinsala.
Ang Barakah Plant ang tanging nuclear facility ng UAE at nagbibigay ng halos isang-kapat ng kuryente sa bansa. Bagama’t may ceasefire na naipatupad noong Abril 8, patuloy pa rin ang ulat ng mga pag-atake mula sa teritoryo ng Iraq sa mga bansang Gulf.
Noong Marso, kabilang ang Barakah sa listahan ng mga potensyal na target na inilathala ng mga pahayagan ng Iran.













