-- ADVERTISEMENT --

Nagpalabas ng matinding pahayag si Alan Peter Cayetano laban sa minorya ng Senado matapos ang sunod-sunod na batikos kaugnay ng kaniyang pamumuno sa Mataas na Kapulungan.

Sa isinagawang pulong balitaan nitong Mayo 15, iginiit ni Cayetano na tila mas nakatuon umano ang pansin ng ilang miyembro ng minorya sa nalalapit na 2028 Philippine National Elections kaysa sa kasalukuyang tungkulin ng Senado.

Ayon kay Cayetano, ginagamit umano ng kaniyang mga kritiko ang usapin ng liderato upang palakasin ang kanilang posisyon para sa hinaharap na halalan, sa halip na pagtuunan ang mga pangunahing isyu at trabaho ng lehislatura.

Mariin din niyang itinanggi ang mga alegasyong naging magulo ang Senado mula nang siya ang maupo bilang Senate President. Aniya, may mga grupong pilit umanong binabago ang naratibo upang palabasing nagsimula lamang ang kaguluhan nang siya ang maluklok sa posisyon.

Iginiit pa ni Cayetano na walang masama sa pagiging Senate President at hindi ito dapat ituring na isyu o krimen, kasabay ng kaniyang panawagan na ituon ang pansin sa trabaho at serbisyo publiko.

Matatandaang noong Mayo 11 ay naganap ang tinaguriang Senate coup na pinangunahan ng Duterte bloc na kinabibilangan ni Cayetano, na nagresulta sa pagpapatalsik kay Tito Sotto III bilang lider ng Senado.

Sa botong 12-9, tuluyang naluklok si Cayetano bilang bagong Senate President habang sina JV Ejercito at Migz Zubiri ay kapwa nag-abstain sa botohan.

Bunsod ng reorganisasyon, idineklarang bakante ang lahat ng posisyon sa Senado kabilang ang mga committee chairmanships, dahilan upang pansamantalang makansela ang ilang pagdinig ng mga komite habang inaayos ang bagong liderato.

Si Cayetano na ngayon ang ikatlong Senate President mula nang magsimula ang 20th Congress of the Philippines noong 2025. Bago siya, unang namuno si Chiz Escudero bago naman siya napalitan sa isang naunang kudeta na pinangunahan noon ng kampo ni Sotto.

Lalong naging kontrobersyal ang pag-upo ni Cayetano matapos ang insidente ng umano’y barilan sa pagitan ng Office of the Sergeant-at-Arms at mga operatiba ng National Bureau of Investigation kaugnay sa napaulat na planong pag-aresto kay Ronald dela Rosa noong Mayo 13.