-- ADVERTISEMENT --

Pormal nang ikinasa ng House of Representatives of the Philippines ang ikalawang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte matapos makakuha ng malakas na suporta mula sa mga kongresista.

Sa botohan, 255 mambabatas ang pumabor, 26 ang tumutol, at 9 ang nag-abstain—isang bilang na malayo sa 106 boto na kinakailangan sa ilalim ng Konstitusyon para maipasa ang Articles of Impeachment.

Kabilang sa mga batayan ng reklamo ang mga seryosong alegasyon tulad ng culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang tinatawag na high crimes.

Sa pag-sponsor ng Articles of Impeachment, iginiit ni Justice Committee Chair at Batangas Rep. Gerville Luistro na kailangang sagutin ni Vice President Duterte ang mga isyu, kabilang ang umano’y ₱6.7 bilyong bank transactions na iniulat na kaugnay sa kanya at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio, batay sa kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ayon kay Luistro, sa Senado pa magkakaroon ng pagkakataon ang Bise Presidente na ipaliwanag ang kanyang panig, magpakita ng ebidensya, at direktang sumagot sa mga akusasyon sa ilalim ng impeachment trial.

Binibigyang-diin din ng House prosecution na ang kaso ay nakabatay sa mga dokumento at ebidensya, at hindi sa mga haka-haka o tsismis, habang inaasahang lilipat na ngayon ang usapin sa Senate of the Philippines bilang impeachment court para sa susunod na yugto ng proseso.