Muling iginiit ng House prosecution panel na maaaring pumasok sa kategoryang betrayal of public trust ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte tungkol sa umano’y pagkuha ng isang “hitman” laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam nitong Miyerkules, sinabi ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong na hindi dapat binabalewala ang naturang pahayag, lalo na’t nagmumula ito sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan na inaasahang nangunguna sa pagpapatupad at paggalang sa batas.
Ayon kay Adiong, kung may nalalaman ang Bise Presidente tungkol sa umano’y planong pag-atake o pagkakaroon ng isang bayarang mamamatay-tao, ang nararapat umanong hakbang ay ipagbigay-alam ito sa mga awtoridad, at hindi banggitin o makipag-ugnayan sa sinumang sangkot.
Inilahad ng prosecution panel ang posisyong ito matapos iharap sa Senate impeachment court ang mga ebidensiya kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment, na tumutukoy sa umano’y pagbabanta ni Duterte laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Kabilang sa mga testigong iniharap ng prosecution si National Bureau of Investigation Senior Agent John Mark Calilung, na nagpatotoo sa pagiging authentic ng online media briefing ng Bise Presidente noong Nobyembre 23, 2024.
Ayon pa kay Adiong, layunin nilang patunayan hindi lamang ang pagiging tunay ng mga video na iniharap, kundi ipakita rin kung bakit itinuturing na usapin ng pambansang seguridad ang umano’y mga pahayag ng Ikalawang Pangulo.













