-- ADVERTISEMENT --

Inanunsyo ni Donald Trump ang panukalang tatlong araw na tigil-putukan sa pagitan ng Russia at Ukraine mula Mayo 9 hanggang Mayo 11, bilang paggunita sa anibersaryo ng pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa panig ng Russia.

Ayon sa kanyang post sa Truth Social, kabilang sa inihahaing kasunduan ang pansamantalang pagtigil ng lahat ng opensibang operasyon at ang sabayang pagpapalitan ng tig-1,000 bilanggo mula sa magkabilang panig. Inilarawan pa niya ang hakbang bilang posibleng simula ng pagwawakas ng isang “mahabang, madugo, at mahirap na digmaan.”

Nauna nang lumabas ang mga ulat na nakipag-usap si Trump kay Russian President Vladimir Putin noong Abril 29 kaugnay ng posibleng pansamantalang ceasefire, na nagbukas ng mas malawak na diplomatic discussions.

Kasabay nito, nagdeklara rin ang Russia ng sariling unilateral ceasefire mula Mayo 8 hanggang Mayo 9 bilang paggunita sa Victory Day ng Russia noong World War II.

Sa panig naman ng Ukraine, iminungkahi ng pamahalaan ang open-ended ceasefire na nagsimula noong Martes at nanawagan na sumunod din ang Russia upang mapahupa ang labanan.

Dumating rin sa Miami ang pangunahing Ukrainian negotiator na si Rustem Umerov para sa serye ng pag-uusap kasama ang mga kinatawan ng Estados Unidos bilang bahagi ng patuloy na diplomatic efforts.

Gayunpaman, nananatiling matindi ang hindi pagkakasundo ng dalawang bansa, lalo na sa isyu ng Donetsk region sa silangang Ukraine, habang patuloy ding nagbabatuhan ng akusasyon ang Moscow at Kyiv kaugnay ng mga umano’y paglabag sa mga naunang ceasefire agreements.