Tiniyak ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN na magiging malinaw at nakatuon sa konkretong resulta ang agenda ng mga lider para sa ika-48 ASEAN Summit na isinasagawa araw ng Biyernes, Mayo 8.
Sa ginanap na 38th ASEAN Coordinating Council Meeting sa Cebu City nitong Huwebes, sinabi ni Ma. Theresa Lazaro na rerepasuhin ng mga miyembrong bansa ang implementasyon ng mga naunang kasunduan at mahahalagang usapin bago ang summit proper.
Ayon kay Lazaro, layunin ng pagpupulong na tiyaking nakatuon ang mga lider ng ASEAN sa mga hakbang na maghahatid ng konkretong benepisyo at pangmatagalang resulta para sa rehiyon.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa, katatagan, at mas matibay na kooperasyon sa harap ng mga hamon tulad ng energy security, food security, at proteksyon sa kapakanan ng mga mamamayan ng ASEAN.
Kabilang din sa pagtutuunan ng pansin sa summit ang pagpapatupad ng ASEAN Community Vision 2045 na naglalayong higit pang palakasin ang koneksyon at kooperasyon ng mga bansa sa rehiyon.
Pinamunuan ng Pilipinas ang pulong bilang ASEAN chair para sa 2026 sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr..












