Binabawasan ng administrasyong Marcos ang discretionary powers ng mga opisyal ng gobyerno at isinusulong ang digitalization upang mas maprotektahan ang pondo ng bayan laban sa korapsyon at pag-aaksaya.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., may mga umiiral nang mekanismo para bantayan ang paggamit ng pondo ngunit hindi umano palaging naipatutupad nang maayos.
Sinabi ng Pangulo na ilang malalaking desisyon sa paggastos, kabilang ang bilyun-bilyong pisong transaksyon, ay napunta na sa mas mababang antas ng burukrasya.
Aniya, kailangang limitahan ang discretionary powers dahil maaari itong magamit sa maling paraan.
Mahalaga rin aniya ang digitalization dahil nababawasan nito ang human intervention sa mga proseso ng gobyerno, na maaaring makatulong para mapaliit ang pagkakataon ng korapsyon at pag-aaksaya.
Patuloy namang nire-review ng administrasyon ang mga proseso upang matiyak na responsable ang paggamit ng kapangyarihan at maayos, patas at ligtas na nagagamit ang pondo ng publiko.













