Pinahaba ng Sandiganbayan Third Division ang panahon bago maglabas ng desisyon sa hiwalay na petisyon para sa piyansa ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at ng anim niyang co-accused sa kasong may kaugnayan sa umano’y malversation of public funds.
Ang kaso ay nakasentro sa kontrobersyal na P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan, na bahagi ng mas malawak na alegasyon ng iregularidad sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Sa naging desisyon ng korte, pinalawig ng 30 araw simula Mayo 7, 2026 ang kanilang pagresolba sa mga petisyon. Ayon sa Sandiganbayan, kinailangan ang dagdag na panahon dahil sa dami ng ebidensya, rekord, at testimonya na kailangang masusing pag-aralan bago makapaglabas ng ruling.
Ipinaliwanag ni Atty. Dennis Pulma, clerk of court ng Third Division, na mabigat ang bigat ng kaso dahil sa lawak ng dokumentasyon, kabilang ang mga transcript ng testimonya ng mga saksi. Dagdag pa rito, may mga karagdagang dokumento ring isinumite matapos ang huling pagdinig noong Abril 24, kabilang ang hiwalay na memoranda at petisyon mula sa ilang akusado.
Kabilang sa mga co-accused ni Revilla ang mga dating opisyal at inhinyero ng Department of Public Works and Highways, pati na rin ilang accountant na umano’y may kinalaman sa pagproseso ng proyekto.
Sa puntong ito, nananatiling pending ang desisyon sa piyansa habang patuloy na sinusuri ng korte ang kabuuang ebidensya at argumento ng magkabilang panig.













