Aprubado na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatupad ng dagdag-pasahe sa mga pampublikong transportasyon, partikular sa mga jeep at bus, dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa LTFRB, tiyak na magkakaroon ng dagdag-pasahe, subalit ito ay kasalukuyang sumasailalim sa pagsusuri at justification ng Department of Transportation (DOTr) upang matukoy ang eksaktong halaga ng fare hike.
Ipinaliwanag ng ahensya na sakop ng fare hike ang lahat ng naghain ng petisyon, ngunit hindi muna isasama sa anunsyo ang mga taxi at UV Express, na kamakailan lamang ay nagsumite ng kanilang petisyon. Kailangan pa aniya itong dumaan sa mga hearing at nationwide consultation program bago maaprubahan.
Nakatakda namang ianunsyo sa Martes, Marso 17, kung magkano ang itataas ng pamasahe sa mga pampublikong transportasyon.












