Tinatayang maaaring tumaas ng hanggang P4 kada kilowatt-hour ang dagdag-singil sa kuryente sa buwan ng Abril, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Ipinaliwanag ni Francis Saturnino Juan na batay sa isinagawang simulation ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), at sa kasalukuyang trend ng presyo ng langis, posibleng umabot sa P2 hanggang P4 kada kWh ang itataas ng singil sa kuryente.
Ayon sa ERC, bukod sa epekto ng mga pag-atake sa mga oil-producing region, isinama rin sa pagsusuri ang mas mataas na demand sa kuryente tuwing tag-init at ang posibilidad ng outages sa ilang power plants.
Ipinakita rin sa simulation na inaasahang susunod na magtataas ng presyo ang mga thermal generator, kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis, bilang bahagi ng kanilang cost recovery.
Nauna nang sinabi ni Sharon Garin na ang umiiral na geopolitical tensions ay maaaring magdulot ng hanggang 16% na pagtaas sa electricity rates sa bansa.













