Pinabagsak ng mga fighter jets ng Qatar ang mga Iranian bombers na patungong US airbase.
Ayon sa militar ng Qatar, mabilis nilang naharang ang mga bomber ng Iran na patungong al-Udeid, ang pinakamalaking US military base sa Qatar, upang bombahin ito.
Nahadlangan din ng air defenses ng Abu Dhabi ang mga papalapit na missiles at drones mula sa Iran.
Ayon sa Ministry of Defense, ang malalakas na pagsabog na narinig ng mga residente ay resulta ng pagharang ng kanilang Air Defense Systems sa mga missiles at drones.
Pumalo na sa 1,230 ang bilang ng mga nasawi sa Iran mula nang ilunsad ng Israel at US ang kanilang mga atake noong Sabado.
Ang nasabing bilang ay lumampas na sa 1,190 na nasawi noong unang inatake ng US at Israel ang Iran noong Hunyo ng nakaraang taon.
Pinapadali naman ng United Kingdom ang pagpapalikas ng kanilang mga mamamayan na naapektuhan ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Ayon kay British Prime Minister Keir Starmer, may mga chartered flights na silang inorganisa upang mapabilis ang paglikas.
Dagdag pa nito, patuloy pa rin ang kanilang defense mode kung saan ipinagtatanggol nila ang mga military base ng UK sa Middle East.













