Inihayag ng Bureau of Corrections (BuCor) na sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro dadalhin ang mga mapapatunayang nagkasala sa mga kasong may kaugnayan sa flood control projects.
Kinumpirma ito ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang, na nagsabing hindi papayagan ang anumang kahilingan na maipakulong ang mga ito sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa. Ipinaliwanag niya na kasalukuyang ipinatutupad sa NBP ang decongestion program upang mabawasan ang siksikan sa bilangguan.
Ayon pa kay Catapang, walang sinumang makatatanggap ng espesyal na pagtrato sa loob ng tinaguriang “supermax” facility sa Sablayan.
Samantala, ibinahagi rin niya na nakabili na ang BuCor ng 60 ektaryang lupa sa Palayan City, Nueva Ecija para sa planong pagtatayo ng unified penology and correction system, na bahagi ng patuloy na hakbang ng ahensya para sa decongestion ng mga pasilidad nito.













