-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si House Committee on Higher and Technical Education Chairman Jude Acidre sa Senado, sa pamumuno ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na agad ipasa ang Bagong Balikbayan Act, kasabay ng pag-uwi ng libo-libong overseas Filipino workers (OFWs) matapos ang holiday season.

Binigyang-diin ni Acidre ang kahalagahan ng agarang pagpapatibay sa panukala upang mas maayos at mapalakas ang mga programang magbibigay-suporta sa muling pagpasok ng mga OFW sa lokal na trabaho, negosyo, at kanilang mga komunidad.

Ang panukala, na pangunahing inakda ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ay naaprubahan na ng Kamara.

Layunin ng House Bill No. 6643 o Bagong Balikbayan Act na pag-isahin ang mga reintegration services, palawakin ang tulong pangkabuhayan, at maglatag ng malinaw at tuloy-tuloy na suporta para sa mga nagbabalik na migranteng manggagawa at kanilang mga pamilya.

Ayon kay Acidre, ang mabilis na aksyon ng Senado ay patunay na kinikilala ng Kongreso ang sakripisyo ng mga OFW at handang tumbasan ito ng mga konkretong reporma. Aniya, marami pa ring OFW ang nananatiling walang trabaho o kulang ang hanapbuhay ilang buwan matapos makauwi, sa kabila ng kanilang mga kasanayan at karanasan mula sa ibang bansa.