-- ADVERTISEMENT --

Nakumpiska ng mga awtoridad ang tatlong high-powered na armas sa isang buy-bust operation laban sa mga hinihinalang gun runners sa Sitio Manito, Barangay Dalumangco, Sultan Kudarat.

Ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), ang mga suspek ay nakilalang sina Alyas Esmael, residente ng Barangay Senditan, at Alyas Karon, residente ng Purok Red Lea, Lebak, Sultan Kudarat.

Kabilang sa mga nakumpiskang baril ang dalawang M16A1 rifles, isang M14 rifle, ilang mga bala, at P300,000 na tinatayang bahagi ng tinatawag na “blood money.”

Agad namang nakatakas ang mga suspek bago sila maaresto at iniwan nila ang kanilang Suzuki Multicab sa lugar ng insidente.

Ang mga nakumpiskang armas ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga otoridad para sa tamang dokumentasyon at ballistic examination. Patuloy ang manhunt operation para mahuli ang mga suspek na nakaligtas.