-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa insidente kung saan isang lasing na pulis ang nakapatay sa kapwa niya pulis matapos silang mag-away, Huwebes ng gabi, Setyembre 18,2025 sa Kidapawan City, Cotabato.

Batay sa ulat ng Kidapawan CPS, agad na tumakas ang suspek na si Corporal Renante Astudillo Villanueva matapos paulit-ulit na barilin si Corporal Kim Lloyd Pramisana Pedregosa gamit ang kanyang 9mm pistol na pag-aari ng Philippine National Police.

Nadala pa sa ospital ang biktima ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay dahil sa mga tama ng bala.

Matapos ang pangyayari ay nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya at kaninang madaling araw ay boluntaryong sumuko ang suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga kapwa niya pulis ang suspek at isinailalim sa interogasyon.

Una nang lumabas ang report na personal grudge ang motibo ng krimen.

Mahaharap naman sa kaukulang kaso at posibleng matanggal sa serbisyo ang nakapatay na pulis.