-- ADVERTISEMENT --

Narekober ng 7th Infantry (Tapat) Battalion ang iba’t ibang uri ng armas at pampasabog na mahigit pitong taon nang nakatago sa Sitio Pusot, Barangay Baluan, Palimbang, Sultan Kudarat, nitong hapon ng Agosto 12, 2025.

Ayon kay Lt. Col. Tristan Rey P. Vallescas, Commanding Officer ng 7IB, naging posible ang operasyon dahil sa tiwala at pakikipagtulungan ng mga residente. Bago matunton ang mga armas, nagsagawa ang tropa ng pulong-pulong sa komunidad upang pag-usapan ang seguridad at kapayapaan. Sa nasabing pagpupulong, isiniwalat ng mga residente ang kinaroroonan ng mga armas at pampasabog na inilibing pa noong 2017.

Batay sa pahayag ng mga residente, ginamit ang mga kagamitang pandigma noong 2016 bilang panlaban sa mga bandidong gumagala sa lugar. Upang maiwasang magamit muli ng mga lawless armed group, napagpasyahan nilang boluntaryong isuko ito sa pamahalaan.

Kabilang sa mga nakuhang kagamitan ang tatlong (3) Carbine Cal. 30, isang Pistol Cal. 45, dalawang granada, isang 12 Gauge, at isang Pistol Cal. 38. Pinuri ni Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry Brigade, ang tagumpay na ito bilang patunay ng epektibong ugnayan ng militar at mamamayan.

“Ang ganitong tagumpay ay hindi lamang bunga ng operasyon ng kasundaluhan, kundi ng tiwala at kooperasyon ng ating mga kababayan. Patuloy tayong magsusumikap na masugpo ang banta ng karahasan upang makamit ang tuloy-tuloy na kapayapaan,” aniya. Samantala, hinikayat naman ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang iba pang residente na tularan ang hakbang ng komunidad.

“Ang kanilang desisyon ay nagpapakita ng tunay na hangarin para sa mapayapa at maunlad na komunidad.

Sama-sama nating tapusin ang kultura ng karahasan,” wika niya. Itinuturing ng AFP ang naturang operasyon bilang isa na namang hakbang patungo sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa buong rehiyon.