-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Patay ang isang estudyante habang sugatan naman ang dalawa nitong kasama matapos maaksidente nang mawalan ng kontrol ang kanilang sinasakyang motorsiklo pasado alas-3:00 ng hapon, Enero 31, 2025, sa Sitio Lower Ladol, Brgy. Assumption, Lungsod ng Koronadal.

Kinumpirma ito ni PMSgt. Leo Dimaculangan, Traffic Investigator ng Koronadal City Traffic, sa isang panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Dimaculangan, tatlong menor de edad na babae, mga estudyante ng Bacongco National High School, ang sakay ng isang Honda Click.

Nakilala ang mga ito na sina alyas Nicole, Faye, at Jane, pawang 14-anyos at residente ng Brgy. San Isidro, Koronadal City.

Ayon kay alyas “Faye,” naghanap lamang sila ng lugar para sa kanilang film-making project ngunit habang pauwi na, biglang nawalan ng kontrol ang nagmamanehong si alyas “Nicole,” dahilan upang sila ay tumilapon at magtamo ng sugat.

Kinumpirma namang nasawi ang driver na si alyas “Nicole,” habang patuloy na ginagamot sa ospital ang kanyang dalawang kasama.

Nanawagan naman si Dimaculangan na maging maingat sa kalsada at sumunod sa mga batas-trapiko, pati na rin ang paalalang huwag magmaneho kung hindi pamilyar sa lugar.