-- ADVERTISEMENT --

Nagbunyag si dating Ilocos Sur governor Chavit Singson ng umano’y iregularidad sa libo-libong flood control projects na iniulat na natapos ng pamahalaan.

Ayon sa kanya, posibleng “ghost projects” ang nasa 5,500 flood control initiatives matapos umano niyang personal na libutin ang iba’t ibang lugar at makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal. Aniya, hindi umano tumutugma sa aktuwal na sitwasyon sa ground ang bilang ng mga proyektong naiulat na natapos.

Matatandaang binanggit ni Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang 2024 State of the Nation Address 2024 ang libo-libong flood control projects bilang bahagi ng paghahanda sa epekto ng La Niña, na inaasahang magdadala ng mas malalakas na pag-ulan.

Iginiit pa ni Singson na handa sana siyang magsumite ng affidavit at ebidensya sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, ngunit hindi natuloy ang pagdinig kung saan niya ito dapat ihaharap.

Dagdag pa niya, nakipag-ugnayan siya kay Panfilo Lacson upang maipresenta ang kanyang mga alegasyon, ngunit hindi ito natuloy. Dahil dito, kinuwestiyon niya ang kakulangan ng pagkakataon na mailahad ang umano’y mga ebidensya kaugnay ng isyu.