-- ADVERTISEMENT --

Ipinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na abogado na umano’y sangkot sa planong ‘honeytrap’ o pag-frame up kay Executive Secretary Ralph Recto.

Inaasahang haharap sa NBI ang mga abogado sa Agosto 14 upang magbigay ng kanilang panig kaugnay ng naturang imbestigasyon.

Hindi naman pinangalanan ni NBI Director Melvin Matibag ang apat, ngunit sinabi niyang pawang mula sa iisang law firm sa Ortigas Center ang mga ito.

Ayon kay Matibag, ang mga abogado umano ang naghanda ng mga affidavit na gagamitin sa planong pag-frame up kay Recto.

Malalaking personalidad umano ang mga kliyente ng apat na abogado. Dalawa sa kanila ang sinabing kilalang senior partners, habang ang dalawa naman ay mga bagong abogado pa lamang.

Nauna nang pinadalhan ng subpoena ng NBI sina dating congressman Jing Paras at Congressman Leandro Leviste kaugnay ng umano’y destabilization plot laban kay Recto.

Maaalalang ilang indibidwal ang nasagip ng NBI sa isinagawang entrapment operation matapos umano silang alukin ni Paras ng bayad kapalit ng paggawa ng kuwento at paglagda sa isang affidavit.

Kapwa itinanggi nina Leviste at Paras ang mga paratang na ibinabato laban sa kanila.