KORONADAL CITY – Dalawang katao ang kumpirmadong nasawi matapos yanigin ng magnitude 7.8 na lindol ang lalawigan ng South Cotabato alas-7:37 nitong umaga, Hunyo 8, 2026.
Kinumpirma ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Rolly Doane Aquino na ang mga nasawi ay mula sa bayan ng Tupi. Ayon kay Aquino, ang unang biktima ay nadaganan ng mga gumuho na debris, habang ang ikalawa naman ay binawian ng buhay matapos atakehin sa puso o makaranas ng cardiac arrest dahil sa matinding takot habang lumiliyab ang pagyanig.
Naitala ng Phivolcs ang epicenter ng lindol sa bayan ng Maasim, Sarangani, ngunit naramdaman ang mapinsalang Intensity 7 sa buong probinsiya ng South Cotabato. Dahil sa lakas ng lindol, nagdulot ito ng malawakang takot at trauma kung saan maraming mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang hinimatay.
Nagtamo rin ng malalaking bitak at pinsala ang mga pader ng Koronadal National Comprehensive High School at Koronadal Central Elementary School 1. Bukod sa mga paaralan, nagtamo rin ng pinsala ang ilang mga pribadong apartment, mga kabahayan, at nagkaroon ng mga bitak sa mga kalsada sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Agad namang ipinag-utos ng Department of Education (DepEd) Region 12 ang suspensiyon ng klase sa unang araw pa lamang ng pasukan upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante. Nagdeklara rin si South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. ng suspensiyon sa pasok ng mga empleyado sa kapitolyo ng lalawigan.
Sinuspinde rin ang operasyon ng Koronadal City Hall upang bigyang-daan ang inspeksyon sa integridad ng mga gusali ng gobyerno.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang damage assessment ng mga awtoridad sa lahat ng mga apektadong lugar. Pinayuhan din ang publiko na manatiling alerto dahil sa mga patuloy na nararanasang aftershocks sa rehiyon.













