-- ADVERTISEMENT --

Natagpuang wala nang buhay ang dalawang lalaki sa isang liblib na bahagi ng Barangay Midtimbang, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao.

Kinumpirma ito ni PCPT Guisepe Tamayo, tagapagsalita ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office sa isang panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ni Tamayo ang mga biktima na parehong nagtitinda ng isda na sina alyas Alvin, 48 taong gulang, at alyas Rey, 40 taong gulang, may asawa, at kapwa mga residente ng Barangay Panay, Sto. Niño, South Cotabato.

Ayon kay Tamayo, mismong ang asawa ni Rey, ang nagkumpirma na ang isa sa mga bangkay ay ang kanyang asawa.

Huli umano silang nagkausap noong gabi ng Lunes, Hunyo 16 at makalipas ang dalawang araw, natanggap na lamang niya ang balita na natagpuan itong patay, kasama si Alvin.

Pareho umanong may tama ng bala sa harap at likurang bahagi ng katawan ang mga biktima.

Dagdag pa ni Tamayo, base sa inisyal na imbestigasyon, walang direktang palatandaan ng pagtotorture o pagpapahirap na nakita sa mga katawan ng mga biktima.

Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ng kani-kanilang pamilya ang mga labi habang patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang alamin ang motibo at pagkakakilanlan ng mga responsable.

Isa umano sa mga hamon ng imbestigasyon ay ang kawalan ng CCTV footage sa lugar kung saan natagpuan ang mga bangkay, at ang pinakamalapit na bahay ay nasa layong higit sa isang kilometro, dahilan upang mahirapan ang mga awtoridad sa pagkalap ng ebidensya.

Nanawagan ngayon ang pamilya ng dalawang biktima para sa katarungan, at humihingi ng tulong mula sa sinumang may impormasyon na maaaring makatulong sa pagpapabilis ng imbestigasyon ukol sa karumal-dumal na krimeng ito.