KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa banggaan ng dalawang sasakyan na ikinasawi ng isang 44-anyos na babae at ikinasugat ng apat na iba pa, dalawa sa kanila ay nasa kritikal na kondisyon.
Naganap ang insidente bandang alas-5:00 ng hapon, Lunes, Pebrero 16, 2026 sa kahabaan ng National Highway, Purok 15-A, Barangay Polonuling, Tupi, South Cotabato.
Ayon sa ulat ng Tupi Municipal Police Station, nakatanggap ng tawag ang Tupi Hotline alas-5:01 ng hapon at agad namang rumesponde ang duty patrol team at traffic investigator, katuwang ang MDRRMO, BFP, at RHU Tupi para sa agarang medical response.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Emil Sumagaysay, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer, sinabi nitong mabilis ang kanilang naging responde at agad na naitakbo sa pagamutan ang mga sugatan. Aniya, dalawa sa mga biktima ang nagtamo ng malubhang pinsala at nananatiling nasa kritikal na kondisyon habang patuloy na ginagamot sa South Cotabato Provincial Hospital.
Batay sa paunang imbestigasyon, sangkot sa aksidente ang isang Isuzu Elf truck na may kargang papaya at minamaneho ng nag-iisang drayber, at isang Suzuki Wagon na may limang sakay kabilang ang drayber.
Kapwa bumabyahe ang dalawang sasakyan mula Koronadal City patungong General Santos City nang bumagal at nagsenyas pakaliwa ang truck.
Dahil dito, bumangga ang sumusunod na Suzuki Wagon sa likurang bahagi ng naturang sasakyan.
Idineklarang dead on arrival ang isang Alyas Princess, 44-anyos at residente ng Paranaque City habang ang mga sugatan ay residente naman ng Datu Paglas, Maguindanao Del Sur.
Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang mga sangkot na sasakyan para sa wastong dokumentasyon at kaukulang disposisyon habang patuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan sa insidente.
Muling pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat sa pagmamaneho at sumunod sa batas-trapiko upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.













