-- ADVERTISEMENT --

Magsisimula na ang House of Representatives sa Lunes ang deliberasyon sa panukalang ₱7.2 trilyong pambansang badyet para sa 2027, na unang sasailalim sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Ayon kay Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., itinakda ni House Appropriations Committee Chair Rep. Michaela Suansing ang pagsisimula ng budget deliberations matapos isumite ng Department of Budget and Management ang National Expenditure Program (NEP) sa Kamara.

Sa unang araw, tatalakayin ng DBCC ang mga pangunahing batayan ng panukalang budget, kabilang ang pinagkukunan ng pondo, projected expenditures at alokasyon para sa mga departamento, ahensya at government-owned and controlled corporations.

Kasunod nito, nakatakda namang humarap ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa appropriations panel para sa hiwalay na briefing.

Binigyang-diin ni Abante na hindi pa pinal na pambansang badyet ang ₱7.2 trilyong NEP. Dadaan pa ito sa deliberasyon at pag-apruba ng House at Senado bago maging General Appropriations Bill.

Kung magkakaiba ang bersyon ng dalawang kapulungan, pag-uusapan ito sa bicameral conference committee bago muling pagtibayin ng House at Senado at isumite sa Pangulo para sa lagda.

Kapag nilagdaan ng Pangulo, saka lamang ito magiging General Appropriations Act o opisyal na pambansang budget para sa 2027.

Kabilang sa pinakamalalaking alokasyon sa NEP ang ₱976 bilyon para sa DepEd, ₱644 bilyon para sa DPWH, ₱353.8 bilyon para sa health sector, ₱332.5 bilyon para sa DILG at ₱328.8 bilyon para sa DND.

May malaking pondo rin para sa transport sector, agriculture, DSWD, state universities and colleges at Judiciary.

Giit ni Abante, mahalagang maging transparent ang bawat hakbang sa budget deliberations dahil pera ng publiko ang pinaglalaanan at ginagamit sa ilalim ng pambansang budget.