Hindi nagbigay ng anumang komento si Vice President Sara Duterte hinggil sa Pax Silica, ang planong AI industrial hub sa New Clark City, Tarlac na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang video na inilabas ng Office of the Vice President habang nasa The Hague ang Bise Presidente, direkta niyang sinabi na wala siyang maibabahaging pananaw tungkol sa proyekto nang tanungin ng media.
“Wala, I cannot comment on that,” ani VP Duterte.
Patuloy na pinag-uusapan sa social media ang Pax Silica dahil sa magkakaibang pananaw ng publiko. Habang may mga naniniwalang makatutulong ito sa pag-unlad ng teknolohiya at ekonomiya, may ilan ding nagpahayag ng pangamba sa posibleng epekto nito sa kalikasan at sa mga komunidad na maaapektuhan.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inaasahang lilikha ang proyekto ng dekalidad na trabaho, magpapalakas sa kakayahan ng bansa sa industriya, at magbibigay ng dagdag na sigla sa ekonomiya.
Ang Pax Silica ay bahagi ng isang 23-bansang inisyatiba na pinangungunahan ng Estados Unidos na naglalayong palawakin ang artificial intelligence ecosystem sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga data center at iba pang advanced technology facilities.













