Umakyat na sa apat ang bilang ng mga nasawi sa naganap na pamamaril sa loob ng isang paaralan sa Tacloban City matapos pumanaw ang isa pang estudyanteng biktima habang ginagamot sa ospital.
Ayon sa Philippine Red Cross (PRC), kinumpirma ang pagkamatay ng ikaapat na biktima bandang alas-7 ng gabi noong Lunes, Hunyo 22.
Samantala, 15 iba pang mag-aaral mula sa San Jose National High School ang patuloy na nagpapagaling sa iba’t ibang pagamutan dahil sa mga tinamong sugat sa insidente.
Nauna nang naaresto ng mga awtoridad ang dalawang suspek na sangkot sa pamamaril. Sa imbestigasyon, lumabas na ang isa sa mga ginamit na baril ay nakarehistro sa isang babaeng pulis, habang ang isa pang .38 caliber revolver ay pag-aari at nakarehistro sa isang security agency.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa insidente at ang posibleng pananagutan ng iba pang mga taong may kaugnayan sa mga ginamit na armas.













