Nasa ilalim na ng imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) ang isang babaeng pulis matapos mapag-alamang sa kanya nakarehistro ang isa sa mga baril na ginamit ng dalawang menor de edad sa madugong pamamaril sa isang pampublikong paaralan sa Tacloban City.
Sa isinagawang press briefing, sinabi ni Allen Rae Co na ang 9mm Glock na ginamit sa insidente ay service firearm na nakatalaga sa isang pulis na kasalukuyang naka-assign sa Police Regional Office 8.
Dahil dito, inilagay na sa kustodiya ng regional police office ang naturang pulis habang sinisiyasat ang posibleng pananagutan nito, kabilang ang umano’y kapabayaan sa pag-iingat ng kanyang armas.
Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na ang 14-anyos na suspek ay pamangkin ng naturang pulis. Matapos umano ang insidente, nagtangkang magtago ang menor de edad ngunit agad ding natunton at naaresto ng mga awtoridad.
Natuklasan din ng mga imbestigador na ang isa pang baril na ginamit ng 15-anyos na suspek ay nakarehistro sa isang security agency sa Cebu. Nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa naturang kumpanya upang matukoy kung sino ang huling may kustodiya ng armas.
Aabot naman sa 40 basyo ng bala ang nakolekta sa lugar ng krimen, indikasyon ng matinding putukan na naganap sa loob ng paaralan.
Tatlo ang nasawi at pito ang nasugatan sa insidente, habang patuloy na sinisiyasat ng mga awtoridad ang posibleng motibo ng mga suspek. Isa sa mga pangunahing anggulong sinusuri ay ang ulat ng umano’y pambu-bully na maaaring nag-udyok sa krimen.













