Nasawi ang umano’y sub-lider ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG) na si Marhum Esmael alyas “Marhom” at apat nitong kasamahan matapos ang isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa Barangay Inug-ug, Pikit, Cotabato Province noong hapon ng Agosto 6, 2026.
Kinilala ni Lt. Col. Erwin Jay E. Dumaghan, Commanding Officer ng 40th Infantry (Magiting) Battalion, ang mga nasawi na sina Marhom Esmael; Ameer Hassan; Asnawi Sansawi Usman alyas “Ali”; Rasul Tito; at isa pang hindi pa nakikilala.
Si Marhom ay kinilalang isa sa mga pangunahing personalidad ng DI-HG at kabilang sa Top 1 Most Wanted Person sa rehiyonal na antas sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Top 1 Most Wanted sa Maguindanao del Sur.
Nahaharap siya sa ilang kasong kriminal, kabilang ang pitong bilang ng murder sa ilalim ng Criminal Case Nos. SA-1539 hanggang SA-1545, pati ang frustrated murder (SA-1546) at robbery with violence against or intimidation of persons (SA-1547), na pawang inilabas ng Regional Trial Court Branch 15 noong Mayo 18, 2026.
Mayroon din siyang mga naunang warrant para sa murder (SA-1192), attempted murder (SA-1193), frustrated murder (SA-1275), at attempted murder (SA-1276) na inilabas noong 2024 at 2025.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Marhom at iba pang miyembro ng grupo. Kasama sa operasyon ang 40th Infantry Battalion, 601st Infantry (Unifier) Brigade, 602nd Infantry (Liberator) Brigade, iba pang operating units ng 6th Infantry (Kampilan) Division, at Maguindanao del Sur Police Provincial Office.
Nang pumasok ang mga tropa sa lugar, nagpakilala umano sila bilang mga tauhan ng gobyerno at hiniling ang mapayapang pagsuko ng mga suspek. Ngunit sa halip, nagpaputok umano ang mga armadong indibidwal dahilan upang gumanti ng putok ang mga awtoridad, na nauwi sa pagkamatay ng limang miyembro ng DI-HG.
Patuloy ang clearing operations sa lugar kung saan narekober ng mga tropa ang dalawang M16A1 caliber 5.56mm rifles at tatlong short magazines na isasailalim sa pagsusuri.
Sinabi naman ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Acting Commander ng Western Mindanao Command, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division, at Joint Task Force Central, na patuloy ang kanilang operasyon laban sa mga natitirang miyembro ng mga armadong grupo upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.













