-- ADVERTISEMENT --

Nakapagtala ang PHIVOLCS ng sunod-sunod na pag-agos ng pyroclastic density currents (PDCs) o uson mula sa Bulkang Mayon noong Mayo 2–3, 2026, partikular sa bahagi ng Mi-isi Gully sa southwestern slopes.

Ayon naman sa Office of Civil Defense, umabot na sa 52 barangay sa Albay ang naapektuhan ng ashfall dulot ng patuloy na aktibidad ng bulkan.

Ibinahagi ni Teresito Bacolcol na nagsimula ang serye ng pag-aalburuto bandang alas-4:28 ng hapon noong Mayo 2, nang magkaroon ng lava effusion sa tuktok ng bulkan. Nagdulot ito ng pagguho at paglikha ng pinakamalalaking PDCs mula nang itaas sa Alert Level 3 ang Mayon.

Tinatayang umabot sa 4 kilometro ang haba ng ibinugang uson, na nagresulta sa makapal na pag-ulan ng abo sa mga bayan ng Camalig, Guinobatan, Daraga, at Legazpi City.

Sa loob ng 24 oras, nakapagtala ang PHIVOLCS ng 25 volcanic tremors, 284 na rockfall events, at 14 na PDC signals. Umabot din sa 1,586 tonelada kada araw ang ibinugang sulfur dioxide (SO₂).

Patuloy rin ang pagdaloy ng lava sa mga daluyan ng Basud, Bonga, at Mi-isi.

Dahil sa ashfall, pinapayuhan ang mga residente na manatili muna sa loob ng bahay, magsuot ng protective masks, at siguraduhing natatakpan ang pagkain at inuming tubig upang maiwasan ang kontaminasyon.

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) habang nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon.

Patuloy ang koordinasyon ng PHIVOLCS, OCD, at mga lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng publiko, habang nakaantabay na rin ang mga disaster response teams sakaling kailanganin ang agarang paglikas ng mga residente.