KORONADAL CITY – Hindi pa rin madaanan sa ngayon ang na-sira kamakailan na concrete road sa Sitio El Dulog, Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato matapos itong masira dahil sa malaking landslide.
Ang nasirang kalsada ay nagdudulot ng malalang abala sa transportasyon at pang-araw-araw na gawain ng mga residente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Benedicto Dordas, residente ng Sitio El Dulog, Barangay Ned Lake sebu, perwisyo ang operasyon ng mining dahil sa patuloy na paghuhukay upang makakuha ng coal ay naging sanhi ng pagguho ng lupa sa lugar.
Ayon sa kanya, hindi lamang anim (6) ang pamilyang apektado ng landslide, kundi mahigit 100 pamilya ang humihiling ng relocation site dahil sa panganib ng karagdagang pagguho ng lupa.
Bagamat nagkaroon ng malakas na ulan sa nakaraang linggo, sinabi ni Mr. Rolly Doane Aquino,Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na maaaring nakatulong sa soil instability ang coal deposits sa ilalim ng lupa.
Subalit, ang Mines and Geosciences Bureau Region XII (MGB‑12) ay tumangging magbigay ng pahayag hinggil sa kaugnayan ng mining operations at landslide. Ayon sa kanilang opisina, wala silang clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) central office upang makapagsalita sa ngayon.
Una na ring ipinasiguro ng Provincial Government ng South Cotabato sa pamamagitan nu Vice Governor Arthur Dodo Pingoy, na tutulungan ang mga residente at nakatakdang magpatawag ng special session sa Pebrero 23, 2026 upang pag-usapan ang sitwasyon at mapakinggan ang pahayag ng lahat ng ahensiya at kumpanya na may operasyon sa lugar.
Ayon kay Pingoy, sa pamamagitan ng nabanggit na session ay matalakay ang lahat ng problema at mabigyan ng solusyon.
Sa kasalukuyan, ang nasirang daan ay hindi pa rin maa-access, na nagdudulot ng matinding abala sa transportasyon at pang-araw-araw na aktibidad ng mga mamamayan sa Barangay Ned.
Napag-alaman na walang konkretong timeline kung kailan ito maaring ma-repair o muling mabuksan sa publiko, depende sa resulta ng assessment at resources ng lokal na pamahalaan at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Makikita sa larawan na malapit lang ang mismong site ng coal mining operation sa gumuhong kalsada.
Samantala, may ginawa nang pansamantalang daanan ng mga residente sa lugar.













