-- ADVERTISEMENT --

Naglatag ang Senado ng mas pinaigting na security measures kasabay ng itinakdang deadline para sa pagsusumite ni Vice President Sara Duterte ng kanyang opisyal na tugon sa Articles of Impeachment.

Ayon sa abiso ng impeachment court, hanggang alas-7 ng gabi ng Hunyo 1 lamang maaaring ihain ng Bise Presidente ang kanyang sagot, maging ito man ay personal na pagsusumite, sa pamamagitan ng kanyang abogado, o sa electronic mail.

Ang paghihigpit sa seguridad ay isinagawa bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng media, mga tagasuporta, at mga grupong kritikal sa Bise Presidente sa paligid ng Senado sa araw ng deadline.

Upang mapanatili ang kaayusan, nagtakda rin ang Office of the Senate Secretary ng mga panuntunan para sa media coverage at naglaan ng mga partikular na lugar para sa mga press briefing ng kampo ni Duterte.

Nakikipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa seguridad, kabilang ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Office of the Sergeant-at-Arms, upang tiyakin ang maayos na daloy ng mga aktibidad sa loob at paligid ng Senado.

Matatandaang naihatid kay Duterte ang summons noong Mayo 20, dalawang araw matapos pormal na mag-convene ang Senado bilang impeachment court.

Inaasahang magsisimula ang impeachment trial sa Hulyo 6, kung saan haharap ang Bise Presidente sa mga reklamong may kaugnayan sa umano’y culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at betrayal of public trust.

Sa ilalim ng Rules of Procedure on Impeachment Trial, magkakaroon naman ng limang araw ang House prosecution panel upang magsumite ng kanilang reply matapos matanggap ang opisyal na sagot ng Bise Presidente.