Tinira ni dating Senador Antonio Trillanes IV si Vice President Sara Duterte matapos nitong akusahan ang International Criminal Court (ICC) na umano’y “lapdog” o tuta niya at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Trillanes, wala umanong sinusunod na utos ang ICC mula sa sinuman at ang kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay bunga ng ilang taong imbestigasyon ng naturang international tribunal.
Sinabi rin ng dating senador na hindi dapat isisi sa kaniya o kay Marcos ang naging hakbang ng ICC laban sa dating pangulo, matapos akusahan sila ni VP Sara na naging daan sa pag-aresto rito kaugnay ng “war on drugs.”
Samantala, binatikos din ni Trillanes ang pahayag ng Bise Presidente na hindi lahat ng extrajudicial killings na naitala noong panahon ng drug war ay may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga.
Giit ni Trillanes, malawakang dokumentado umano na libo-libong pagkamatay ang naganap sa ilalim ng polisiya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.













