Tinawag na “kalokohan” ng isang legal expert ang pahayag ng kampo ni Ronald dela Rosa na kailangan pa umanong magkaroon ng warrant of arrest mula sa lokal na korte bago maipatupad ang warrant na inilabas ng International Criminal Court.
Ayon kay Jose Roy III, dating defense lawyer sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona, malinaw umano sa Rome Statute na saka lamang maaaring dalhin sa lokal na hukuman ang usapin kapag naaresto na ang taong may ICC warrant.
Giit ni Roy, kinakailangang sumailalim muna sa pag-aresto si Dela Rosa bago ito makapaghain ng anumang usapin sa lokal na korte, alinsunod umano sa proseso ng ICC.
Lumabas ang pahayag matapos igiit ng kampo ng senador na hindi agad maaaring ipatupad ang ICC warrant nang walang pahintulot mula sa korte sa Pilipinas.
Hindi naman ito sinang-ayunan ng mga abogado ni Dela Rosa. Ayon sa kanila, ibang usaping legal na ang haharapin kapag nasa kustodiya na ng ibang bansa ang isang Pilipino, tulad ng nangyari umano kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Para naman kay Israelito Torreon, mahalagang magamit muna ng kaniyang kliyente ang lahat ng legal na remedyo bago tuluyang harapin ang proseso sa ICC.













